PULSE PH

Britney Spears Ibinenta ang Karapatan sa Kanyang Music Catalog sa Halagang $200M

Ibinenta na ng pop icon na si Britney Spears ang karapatan sa kanyang music catalog, na kinabibilangan ng mga hit na “…Baby One More Time” at “Oops!…I Did It Again,” ayon sa ulat ng US media.

Tinatayang aabot sa $200 milyon o humigit-kumulang P11.6 bilyon ang halaga ng deal, base sa impormasyong inilabas ng celebrity site na TMZ. Ang mga karapatan ay binili umano ng Primary Wave, isang music publisher na may hawak ding mga obra nina Whitney Houston, Bob Marley, at Prince.

Kasama si Spears sa dumaraming listahan ng mga artist na nagbenta ng kanilang music rights, tulad nina Justin Bieber, Bruce Springsteen, Bob Dylan, Shakira, at KISS. Sa ganitong setup, kumikita ang may-ari ng karapatan sa bawat broadcast, bentahan ng album, at paggamit ng kanta sa ads at pelikula—isang kaakit-akit na long-term investment sa panahon ng streaming.

Sumikat si Spears noong late 1990s ngunit bihira na siyang maglabas ng bagong musika sa mga nakaraang taon. Noong 2021, tuluyan ding tinapos ng korte sa US ang 13-taong conservatorship na kumokontrol sa kanyang pananalapi—isang sistemang dati niyang tinawag na mapang-abuso.

Exit mobile version