Site icon PULSE PH

Brice Hernandez, Posibleng Maglantad pa ng 4 na Senador!

Mas lalong umiinit ang isyu ng umano’y kickback at budget insertions matapos ibunyag ng abogado ni Brice Hernandez, dating Bulacan First District assistant engineer, na maaari pa itong magturo ng apat pang senador na sangkot sa kontrobersya.

Ayon kay Atty. Raymond Fortun, sa kabuuan ay anim na senador umano ang konektado sa mga proyekto sa Bulacan — dalawa rito ay mga ex-senator na. Ngunit aniya, mas malinaw na listahan ang makikita kapag nabuksan na ang desktop computer ni Hernandez, na nakatakdang isuko sa Department of Justice (DOJ).

Matatandaang dati nang pinangalanan ni Hernandez sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva sa House Infra Committee flood-control probe. Ayon sa kanya, nagdagdag si Estrada ng P355 milyon sa 2025 budget ng Bulacan, habang si Villanueva naman ay nagpasok ng P600 milyon noong 2023 — parehong kumpirmado ni Sen. Ping Lacson na tugma sa aktwal na national budget.

Bukod sa mga senador, may mahabang listahan din umano si Hernandez ng mga kongresista na sangkot. Dalawa sa kanila ay nabanggit na sa Senate hearing: Rep. Elizaldy Co (Ako Bicol Party-list), na isa sa pinaka-inaakusahan, at si dating Rep. Mitch Cajayon-Uy (Caloocan, 2nd District).

Upang patunayan ang kanyang sinseridad sa pakikipagtulungan, isinumite na ni Hernandez ang ilan sa kanyang mga luxury car at iba pang dokumento sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Paliwanag ni Fortun, bahagi ito ng kondisyon kung nais niyang mapasama sa witness protection program ng DOJ.

Samantala, inaasahan namang kakasuhan ng NBI ng indirect bribery at malversation sina Villanueva, Estrada at Co. Ipinag-utos din ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze ng kanilang assets, kabilang na ang sa dating DPWH Usec. Roberto Fernando at kay Cajayon-Uy.

Exit mobile version