Todo-bomba ang Israel sa Gaza mula himpapawid, dagat, at lupa noong Lunes habang hindi pa rin humuhupa ang giyera sa Palestinian territory. Sinabi ng Hamas na umaatras na sila sa usapang pangkapayapaan.
Bumagsak ang mga bomba sa mga lugar ng Tal Al-Hawa, Sheikh Ajlin, at Al-Sabra sa Gaza City, ayon sa mga ulat ng AFP correspondents. Sinabi ng mga saksi na binomba rin ng Israeli army ang Al-Mughraqa area at hilagang bahagi ng Nuseirat refugee camp sa gitnang Gaza.
Ayon sa mga paramedics ng Palestinian Red Crescent, narekober nila ang mga bangkay ng limang tao, kabilang ang tatlong bata, matapos ang mga Israeli air strikes sa Al-Maghazi camp sa gitnang Gaza Strip.
Samantala, iniulat ng mga saksi ang putok mula sa mga Israeli gunship sa silangan ng Khan Yunis sa timog Gaza, pati na rin ang pambobomba at atake ng Apache helicopters sa kanlurang bahagi ng pinakatimog na lungsod ng Rafah.
Sa isang pahayag, sinabi ng Israeli military na patuloy ang kanilang operasyon sa buong coastal territory at nagkasa sila ng mga pagsalakay sa Rafah at gitnang Gaza na nakapatay ng ilang mga militante, kasama ang air strikes sa buong strip sa nakaraang araw.
Sinabi rin nila na nagpaputok ang kanilang naval forces sa mga target sa Gaza.