Mahigit 500,000 katao sa Cambodia ang napilitang lumikas matapos ang dalawang linggong madugong sagupaan sa hangganan ng Thailand, ayon sa pahayag ng Phnom Penh nitong Linggo, ilang araw bago ang inaasahang regional talks para pahupain ang tensyon.
Ayon sa mga opisyal, umabot na sa 22 ang nasawi sa Thailand at 19 sa Cambodia matapos muling sumiklab ang labanan na gumamit umano ng mga tangke, drone at artilyeriya. Ang ugat ng alitan ay isang territorial dispute sa 800-kilometrong hangganan ng dalawang bansa, kabilang ang mga sinaunang templong nasa border area na minarkahan pa noong panahon ng
Inaasahang tatalakayin ang krisis sa pulong ng mga foreign minister ng Southeast Asia na iho-host ng Malaysia. Ayon sa Thailand, mahalagang pagkakataon ito para sa magkabilang panig, ngunit iginiit ng Bangkok na dapat munang magdeklara ng tigil-putukan ang Cambodia at makipagtulungan sa de-mining efforts sa border.
Samantala, sinabi ng Cambodia na layon ng pulong na maibalik ang kapayapaan, katatagan, at mabuting ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa, at iginiit nitong resolbahin ang sigalot sa pamamagitan ng dayalogo at diplomasya.
Ayon sa Cambodia Interior Ministry, mahigit 518,000 residente ang dumaranas ng matinding hirap matapos lumikas mula sa kanilang mga tahanan at paaralan dahil sa umano’y air strikes at putok ng artilyeriya. Sa panig ng Thailand, tinatayang 400,000 katao rin ang naapektuhan, kung saan mahigit 200,000 ang nananatili sa mga evacuation center.
