Sinabi ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na ang pamamaril sa Bondi Beach na ikinasawi ng 15 katao ay tila udyok ng ideolohiya ng Islamic State.
Ayon sa imbestigasyon, ang mag-amang Sajid Akram, 50, at Naveed Akram, 24, ang nasa likod ng pag-atake noong Linggo ng gabi na tumarget sa isang Jewish Hanukkah celebration sa sikat na beach sa Sydney. Itinuring ng mga awtoridad ang insidente bilang antisemitic na teroristang pag-atake.
Ito ang unang malinaw na pahayag ng pamahalaan na nagsasabing maaaring na-radicalize ang mag-ama bago isagawa ang pamamaril. Ani Albanese, ang ideolohiyang ito—na matagal nang umiiral—ay nagtulak sa matinding galit at kahandaang pumatay ng marami.
Inilahad din na si Naveed ay napansin na ng intelligence agencies noong 2019 dahil sa kanyang mga koneksyon, ngunit hindi siya itinuring na agarang banta noon. Dalawa sa kanyang mga kakilala ay kalaunang nakulong.
Tumagal ng halos 10 minuto ang pamamaril gamit ang mahahabang baril bago napatay ng pulis si Sajid. Naaresto naman si Naveed at kasalukuyang nasa coma sa ospital, binabantayan ng pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
