Sabi ng gobyerno ng Tsina, iimbestigahan nila ang mga alegasyon na ginagamit ang mga fuel tanker para mag-transport ng mantika na hindi nalilinis ng maayos matapos magdala ng mga nakalalasong kemikal.
Kumalat ang kontrobersya online habang nagpapahayag ng pangamba ang mga social media users tungkol sa posibleng kontaminasyon ng pagkain.
Ayon sa state-run Beijing News, nadiskubre na ang mga tanker na ginagamit para magdala ng fuel ay nagkakarga rin ng mga produktong pagkain tulad ng mantika at syrup, na hindi tama ang pag-decontaminate. Isang drayber ang nagsabing ang paggamit ng kontaminadong fuel trucks sa pag-transport ng mantika ay isang “open secret” sa industriya.
Ito ang pinakabagong dagok sa tiwala ng publiko sa kakayahan ng gobyerno ng Tsina na ipatupad ang mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain.
Ang kontrobersya ay naging top trending topic sa Chinese social media kamakailan. Sa Weibo – na katumbas ng X (dating Twitter) sa bansa – may libu-libong posts tungkol sa iskandalo na nakakuha ng milyun-milyong views. “Ang kaligtasan ng pagkain ang pinakamahalagang isyu,” sabi ng isang komento na nagustuhan ng mahigit 8,000 beses. Isa pang komento ang nagsabing: “Bilang isang ordinaryong tao, ang makaligtas sa mundong ito ay isang kamangha-manghang bagay na.”
Marami ang nagkumpara nito sa 2008 Sanlu milk scandal, kung saan halos 300,000 bata ang nagkasakit at hindi bababa sa anim ang namatay matapos uminom ng powdered milk na kontaminado ng mataas na antas ng industrial chemical na melamine.
“Mas malala ito kaysa sa Sanlu scandal, hindi ito matatapos sa simpleng pahayag lang,” komento ng isang user.
Sa Tsina, ang mga tanker ay hindi limitado sa anumang partikular na uri ng kalakal kaya maaaring magdala ng mga produktong pagkain matapos mag-transport ng mga coal-based oils. Kasangkot sa mga alegasyon ang ilang malalaking kumpanya sa Tsina kasama na ang subsidiary ng state-owned Sinograin at ang Hopefull Grain and Oil Group. Sinabi ng Sinograin na iniimbestigahan nila kung sinusunod nang tama ang mga regulasyon sa kaligtasan ng pagkain. Nagpahayag din ang kumpanya na agad nilang sususpindehin ang paggamit ng anumang trucks na lumabag sa mga patakaran.