Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Martes na nagsimula nang magkolekta ng withholding tax ang mga electronic marketplace operators tulad ng Shopee at Lazada mula sa mga nagbebenta o merchants na gumagamit ng kanilang mga platform.
“Simula Hulyo 15, 2024, magpapataw na ng withholding tax ang mga electronic marketplace operators laban sa kanilang mga sellers/merchants. Pinalawig na namin ito ng 90 araw. Wala nang dagdag na extension,” pahayag ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr.
Noong Disyembre nakaraang taon, naglabas ang BIR ng Revenue Regulation 16-2023 na nag-oobliga sa mga online merchants na kumikita ng higit sa P500,000 kada taon na magbayad ng 1-porsyentong withholding tax.
Ang buwis ay ipapataw sa kalahati ng gross remittances ng mga electronic marketplace operators at digital financial services providers (DFSP) tulad ng GCash at Maya na ginagamit ng mga sellers o merchants sa pagbebenta ng kanilang mga produkto o serbisyo sa pamamagitan ng digital platforms. Kasama rin sa DFSPs ang mga credit card providers na nagfa-facilitate ng mga transaksyon sa internet at mobile phones.
Ang gross remittances ay tumutukoy sa kabuuang halaga na natatanggap ng isang e-market operator o e-wallet provider mula sa mga online buyers ng mga produkto at serbisyo.
Nagbigay ang BIR ng 90-araw na extension upang makapaghanda ang mga apektadong partido bago ang aktwal na pagpataw ng withholding tax.