PULSE PH

Biopic ni Michael Jackson, humakot ng record-breaking sales sa takilya!

Namayagpag sa takilya ang pelikulang Michael na hango sa buhay ng yumaong King of Pop matapos itong magtala ng kahanga-hangang benta sa unang weekend ng pagpapalabas nito sa North America. Sa direksyon ni Antoine Fuqua at sa produksyon ng Lionsgate, kumita ang nasabing biopic ng tinatayang 97 milyong dolyar o mahigit 5.9 bilyong piso. Dahil dito, opisyal nang hawak ng pelikula ang record para sa pinakamalaking opening weekend ng isang musical biography sa kasaysayan.

Ang pangunahing papel ay ginampanan ni Jaafar Jackson na mismong pamangkin ng pop star. Ipinapakita sa pelikula ang paglalakbay ng singer mula sa pagiging batang bida hanggang sa maging isa sa pinakasikat na icon sa buong mundo. Hindi lang sa Amerika naging matagumpay ang palabas kundi maging sa buong mundo kung saan umabot na sa 220 milyong dolyar ang kabuuang kinita nito sa unang ilang araw pa lamang.

Sa kabila ng tagumpay sa benta, umani naman ng halo-halong reaksyon ang pelikula mula sa mga kritiko. Marami ang nagsasabing naging mababaw ang pagkakalahad ng kuwento dahil tila iniwasan nito ang mga kontrobersyal na bahagi ng buhay ni Michael Jackson, partikular na ang mga akusasyon laban sa kanya. Gayunpaman, tila hindi ito inintindi ng mga fans dahil sa taas ng audience approval nito kung saan marami ang nakaramdam ng nostalgia habang nanonood.

Exit mobile version