Site icon PULSE PH

BINI, Todo Level Up sa 4th Anniversary!

Ipinagdiriwang ng P-pop girl group na BINI ang kanilang ika-4 na anibersaryo ngayong Hunyo — at hindi sila nagpapakabog! Isang buong buwan ng international tour, bagong kanta, variety show, beauty line, fan meet, at iba pang paandar ang inihanda nila para sa kanilang mga tagahanga na tinatawag na Blooms.

Matapos ang sold-out shows sa Dubai, London, Toronto, at New York nitong Mayo, tuloy-tuloy ang “BINIverse World Tour” sa 10 siyudad sa North America. Kabilang dito ang Washington D.C., Chicago, Houston, Dallas, Las Vegas, Los Angeles, Temecula, San Francisco, Seattle, at Vancouver. (Yes, world-class na talaga sila!)

Ngayong Hunyo 5, ilalabas din ang bagong tour single na “Shagidi” — isang catchy na kantang nagsimula lang sa biruang sayawan, at ngayon ay full-blown anthem na! Kasabay nito, mapapanood tuwing Miyerkules, 8PM, ang variety show nilang “BINIversus.”

May pa-songwriting festival din sila: “BINIverse and Chorus” kung saan pwedeng mag-submit ng kanta ang mga Bloom. Panalo ‘to kung gusto mong maging bahagi ng music journey ng grupo.

Hindi lang sa tunog magpapasiklab ang BINI, pati na rin sa ganda! Ilulunsad din ang BINI Cosmetics, isang beauty line na mismong sila ang nagdisenyo — para i-celebrate ang confidence at uniqueness ng bawat Bloom.

Para sa fans na gustong may souvenir, may paparating na anniversary merch at special photobook na may walong chapters ng mga behind-the-scenes at growth moments ng grupo.

Siyempre, may pa-homecoming din! Sa June 11, magkakaroon ng “Happy Blooms Day” sa Ayala Trinoma, at sa June 29, isang free fan meet sa MOA Arena para sa BINI Global members.

Bonus: Mapapanood na rin ang “BINI Docu Chapter 3” sa iWant simula June 12, pero ang mga fans na nasa Trinoma ay makakapanood ng early premiere.

Exit mobile version