Naging usap-usapan online ang P-pop group na BINI matapos ang kanilang pag-guest sa Fast Talk With Boy Abunda, kung saan diretsahang sinagot ni Maloi ang isyung nag-uugnay sa kanya kay Rico Blanco.
Noong nakaraang buwan, kumalat ang tsismis na may namamagitan sa kanila, kaya’t agad niya itong pinasinungalingan sa X. Sa kanilang TV guesting nitong Biyernes, muli niya itong nilinaw.
Nang tanungin ni Tito Boy kung paano niya hinaharap ang fake news, inamin ni Maloi na bahagi na ito ng pagiging public figure.
“Hindi na mawawala ‘yan. May mga taong gagawa at gagawa ng fake news. Pero ibig sabihin lang niyan, relevant ka,” aniya. “Ang masasabi ko lang—stop spreading fake news this 2025. Stop it.”
Tinanong din siya kung anong fake news ang lumabas tungkol sa kanya, at diretsahan niyang sinagot ang isyung “Maloi x Rico.”
Ayon kay Maloi, unang beses pa lang nilang nagkita ni Rico nang kunan sila ng kontrobersyal na litrato sa isang La Union hotel. May mga kaibigan silang magkakasama, at maaaring na-crop o na-edit ang larawan, kaya nagmukhang may espesyal na nangyayari.
“May videos ‘yung Blooms (BINI fans) na in-upload sa X, pero na-screenshot sa bad angle kaya parang nagho-holding hands kami,” paliwanag niya.
Nang makita niyang kumalat na ang edited photo at may mga headline na tungkol dito, agad siyang naglabas ng pahayag sa X.
“Ayoko nang lumaki pa ang gulo, kaya nilinaw ko agad,” ani Maloi.