Matapos ang kanilang matagumpay na performance sa Coachella, lalo pang pinasaya ng Nation’s Girl Group na BINI ang kanilang mga tagahanga dahil nag-anunsyo sila ng dagdag na gabi para sa kanilang “Signals” world tour sa Manila. Dahil sa dami ng mga Bloom na nais makapanood, magkakaroon na ng pangalawang show sa June 21 na gaganapin pa rin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang world tour na ito ay pormal na magsisimula sa June 20, at ang bagong anunsyong petsa ay magsisilbing second night ng kanilang pagtatanghal sa capital. Pagkatapos ng kanilang Manila leg, lilipad din ang walong miyembro patungong Cebu para sa kanilang show sa July 11. Bahagi ito ng kanilang mas malawak na paglalakbay na magdadala sa kanila sa iba’t ibang bansa gaya ng United Kingdom, Canada, at United States.
Para sa mga nagpaplano nang bumili, ang presyo ng ticket para sa Manila show ay nagsisimula sa 1,399 pesos para sa Box Regular at umaabot hanggang 11,499 pesos para sa SVIP1. Magkakaroon ng presale para sa mga Bloom Membership holders sa April 25 mula 11 a.m. hanggang 2 p.m., at susundan agad ito ng general sale sa ganap na 2 p.m. sa parehong araw.
Ang balitang ito ay kasunod ng makasaysayang debut ng BINI sa Coachella kung saan nagpakitang-gilas sila sa Mojave Stage sa loob ng dalawang weekend. Bukod sa kanilang world tour, abala rin ang grupo sa iba pang international activities kabilang ang nakatakdang pagbisita sa Grammy Museum para sa Global Spin Live series, na nagpapatunay na tuloy-tuloy ang kanilang pag-arangkada sa global stage.
