Opisyal nang pinatibay ng Nation’s Girl Group na BINI ang kanilang pananatili sa ABS-CBN sa pamamagitan ng isang emosyonal na contract renewal ceremony sa Dolphy Theater.
Ang walong miyembro—Jhoanna, Stacey, Maloi, Aiah, Sheena, Gwen, Colet, at Mikha—ay lubos na nagpapasalamat sa ABS-CBN sa patuloy na tiwala at suporta mula pa sa simula ng kanilang journey.
“Kinakabahan, natutuwa, at sobrang grateful kami,” ani Jhoanna. “Hindi lang ito isang milestone, kundi isang pangako na palagi naming gagalingan.”
Dagdag naman ni Aiah, “Kayo ang unang naniwala sa amin noong teenagers pa lang kami. Karamihan sa amin malayo sa pamilya at mahirap iyon, pero hindi n’yo kami binitawan. Magtitiwala kami sa inyo hanggang sa 30s namin at kung ilang taon pa.”
Lubos ding nagpasalamat si Mikha sa Blooms—ang fandom ng grupo—na walang sawang sumusuporta sa kanila. “Hindi namin in-expect na may makakapansin sa maliliit naming ginagawa, pero nararamdaman namin ang genuine care n’yo sa amin,” aniya.
Binalikan naman ni Stacey ang matinding pagsubok bago nila narating ang kanilang kasalukuyang kasikatan. “Pinaghirapan namin kung nasaan kami ngayon. Lahat kami nag-audition, pumila, at nagtiwala. Ngayon, unti-unting natutupad ang mga pangarap namin.”
Samantala, pinasalamatan din ni Maloi ang kanyang co-members na naging pamilya na rin niya. “Salamat sa BINI, sa buhay na ito. Kahit maraming pagsubok, itutuloy natin ito nang masaya.”
Mas lalong may aabangan ang fans dahil ilalabas na ng BINI ang kanilang bagong single na Blink Twice sa susunod na linggo, kasabay ng paghahanda para sa kanilang unang world tour na magsisimula sa Philippine Arena!
