Maghanda na naman para sa dagdag singil sa kuryente ngayong Agosto, ayon sa anunsyo ng power distributor nitong Lunes.
Ayon sa kompanya, magkakaroon ng maliit na pagtaas na P0.0327 per kilowatt-hour (kWh) sa kanilang power rates para sa buwan ng Agosto, na magtutulak sa kabuuang rate sa P11.6339 per kWh mula sa P11.6012 per kWh noong Hulyo.
Para sa mga residential customers na kumukunsumo ng 200 kWh, ito ay katumbas ng karagdagang P7 sa kanilang electricity bills.
Ito na ang pangalawang sunod-sunod na buwan ng pagtaas ng Meralco rates matapos ang malaking P2 pagtaas noong Hulyo, na sinabi nilang dahil sa “normalization of power costs.”
Sa pagkakataong ito, ang pagtaas ay iniuugnay sa mas mataas na transmission charge para sa Agosto, na umabot ng P0.1086 per kWh, matapos mag-singil ng mas mataas ang National Grid Corp. of the Philippines para sa ancillary services.
Bagamat bumaba ang generation charge ng P0.0503 per kWh, hindi ito sapat upang mapantayan ang mas mataas na transmission charge.
Samantala, bumaba rin ang charges mula sa independent power producers (IPP) ng P0.2974 per kWh dahil sa mas mataas na dispatch at paglakas ng piso, na nakaapekto sa karamihan ng IPP costs na dollar-denominated.