Site icon PULSE PH

Bianca Umali, Napabilib kay Nora Aunor sa ‘Mananambal’: Parang Masterclass!

Nilinaw ni Bianca Umali ang isyu tungkol sa diumano’y billing controversy sa pelikulang Mananambal ng VIVA Films, kung saan kasama niya ang National Artist na si Nora Aunor.

Sa isang mediacon, naunang tinanong ang direktor ng pelikula na si Adolfo Alix Jr. tungkol sa usapin, pero agad humirit si Bianca para sumagot.

“Pwede po ba akong mauna?” ani Bianca, halatang nagulat sa tanong. “Hindi ko po alam kung paano ko mararamdaman ‘yan dahil wala akong ideya tungkol diyan.”

Dagdag pa niya, isang malaking oportunidad na makatrabaho ang isang Nora Aunor, kaya hindi siya interesado sa anumang isyu tungkol sa billing.

“Ang makasama ko po si Miss Nora, sapat na ‘yun para sa akin,” ani Bianca. “Para po sa isang artista na mahal ang kanyang sining, ang billing ay bonus lang.”

Paggalang kay Ate Guy

Ayon kay Direk Adolfo, hindi dapat gawing isyu ang billing dahil malinaw naman na si Nora Aunor ay isang alamat sa industriya.

“Si Ate Guy deserves the rightful billing dahil icon siya,” sabi ng direktor. “Kung ano man ang nakikita ninyo ngayon, ‘yan po ang tama at nararapat.”

Hindi nakadalo si Nora sa presscon dahil sa kanyang kalagayan, pero ayon kay Direk Adolf, maaaring dumalo ang Superstar sa premiere night kung papayagan siya ng kanyang mga doktor.

Bianca, Natupad ang Pangarap sa Mananambal

Ang Mananambal ay isang horror film tungkol sa isang pamilya ng healers na pinagsamantalahan, kaya bumalik sa mga nang-api sa kanila ang sumpa ng kamatayan at paghihiganti. Mapapanood ito sa mga sinehan simula Pebrero 19 at tampok din sina Kelvin Miranda, Edgar Allan Guzman, Jeric Gonzales, at Martin Escudero.

Unang ipinalabas ang pelikula sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Japan noong Mayo 2024, kung saan tinanghal si Bianca bilang Best Dramatic Actress para sa kanyang pagganap bilang Alma.

Aminado ang Kapuso star na na-starstruck siya noong unang makaharap si Nora. “Nagpa-selfie po talaga ako!” biro niya. Kwento niya, bata pa lang siya ay naririnig na niya ang mga kwento tungkol kay Nora mula sa kanyang lola at mga tiyahin.

Pero higit pa sa kasikatan ng Superstar, mas hinangaan ni Bianca ang respeto at tiwalang ipinakita ni Nora sa kanilang co-actors.

“Napaka-collaborative ng working environment namin,” ani Bianca. “Kahit gaano na siya kagaling at katagal sa industriya, ramdam namin na kasama namin siya sa set bilang kapwa artista. Isang karangalan ang ma-experience ‘yun.”

Exit mobile version