Hiniling ng Bureau of Immigration (BI) sa korte sa Cagayan de Oro na ibalik sa kanilang kustodiya si Tony Yang, kapatid ng dating presidential adviser na si Michael Yang, sakaling siya ay payagang makapagpiyansa.
Ayon sa BI Commissioner Joel Viado, may matibay na dahilan upang maniwala na maaaring tumakas si Yang kung palalayain.
“May pangamba kaming magtatago siya para takasan ang mga kasong kinahaharap niya,” ayon kay Viado.
Si Yang, na kilala rin bilang Yang Jianxin sa kanyang Chinese documents, ay naaresto noong Setyembre 2024 sa NAIA Terminal 3 ng BI Fugitive Search Unit, katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Kasalukuyan siyang nakakulong sa Cagayan de Oro, at nahaharap sa mga kasong falsification of public documents, perjury, at paglabag sa Anti-Alias Law — lahat ay bailable offenses. Gayunpaman, nananatiling alalahanin ng BI ang kanyang hiwalay na deportation case dahil sa umano’y paggamit ng pekeng identidad bilang Pilipino.
Batay sa imbestigasyon, si Yang ay sangkot umano sa malawak na network ng corporate at identity fraud, at ginamit ang alyas na Antonio Maestrado Lim upang magtayo ng mahigit 12 kumpanya sa Cebu, Davao, at Cagayan de Oro, kabilang na ang mga mall, rice mill, at steel plant.
Ang BI ay patuloy na naninindigan na dapat manatili si Yang sa kanilang kustodiya upang matiyak na haharap ito sa lahat ng kaso at proseso ng deportation laban sa kanya.
