Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na sa kanyang huling termino, layunin niyang gawing “pinakatransparent na lungsod sa Pilipinas” ang Quezon City sa pamamagitan ng mas bukas at digital na pamahalaan.
Sa kanyang ikalimang State of the City Address, sinabi ni Belmonte na patuloy niyang palalakasin ang mga sistemang nagsusulong ng transparency at public participation, bilang bahagi ng pakikilahok ng lungsod sa Open Government Partnership — isang pandaigdigang alyansa para sa bukas at tapat na pamamahala.
Kabilang sa mga bagong inisyatibo ang Open Data Dashboard, isang online platform kung saan makikita ng publiko ang mga proyekto at gastusin ng lungsod, gaya ng pagpapatayo ng mga paaralan, flood control, barangay halls, kalsada, at parke. Mayroon din itong Geographic Information System (GIS) na magpapakita ng lokasyon, halaga, kontraktor, at status ng bawat proyekto.
Dagdag pa rito, maglulunsad ang lokal na pamahalaan ng isang digital app sa susunod na taon para sa mga reklamo, puna, at suhestiyon ng mga residente, upang mas mapabilis ang tugon ng city government.
Ayon kay Belmonte, mahigit ₱6 bilyon mula sa proposed 2026 budget ng lungsod ay dumaan sa pagsusuri ng iba’t ibang sektor upang matiyak ang pagiging bukas ng proseso.
“Ang tiwala ng tao ang sandigan ng mabuting pamahalaan. Sa Quezon City, wala kaming itatago,” ani Belmonte.
