Matapos ang makasaysayang panalo sa May midterm elections, opisyal nang nagsimula si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde, dala ang pangakong gawing mas maunlad at mas maasahan ang lungsod.
Kasama si Vice Mayor Gian Sotto at iba pang opisyal, nanumpa si Belmonte sa harap ni Chief Justice Alexander Gesmundo.
Sa kanyang inaugural speech, ibinahagi ni Belmonte ang mga hamon noong una siyang naging alkalde noong 2019, kung saan nakita niyang kailangang lapitan ng pamahalaan ang mga mamamayan nang may malasakit at bukas na komunikasyon. Nilinaw niya na nilabanan nila ang tradisyunal na pamamaraan ng pamamahala para mas maging epektibo at responsive sa pangangailangan ng mga taga-QC.
Ipinagmalaki ni Belmonte ang mga nagawa sa loob ng anim na taon, kabilang ang mas transparent at participatory na gobyerno na kinilala bilang modelo ng lokal na pamahalaan sa bansa.
Sa halalan, nakakuha siya ng rekord na mahigit isang milyong boto—isang kasaysayan para sa lungsod.
Binigyang-diin niya ang responsibilidad ng naturang tagumpay, at nangakong mas paiigtingin pa ang mga programa para sa edukasyon, kabuhayan, pabahay, at kalusugan ng mga taga-QC.
“Walang oras na dapat sayangin. Gawin natin ang huling tatlong taon na pinakamaganda para sa ating lungsod — mas malakas, mas progresibo, mas maawain at puno ng pag-asa,” ani Belmonte.
Nandiyan din sa oath-taking ang kanyang ama na si dating Speaker at alkalde na si Feliciano Belmonte Jr., kasama ang ibang miyembro ng pamilya.
