Tuluyan nang lilipad ang pangarap ni Bella Belen habang sasabak siya sa kanyang PVL debut para sa Capital1 Solar Spikers ngayong araw laban sa Choco Mucho Flying Titans sa Ynares Center, Montalban.
Ang No. 1 overall draft pick at three-time UAAP MVP mula National University ay aminadong excited ngunit handang-handa sa bagong hamon.
“Magkaiba talaga ang level ng UAAP at PVL, kaya kailangan kong paghandaan ito,” ani Belen. “Pero mataas ang expectations ko — finals agad ang target namin.”
Makakaharap ni Belen ang kapwa national team standout na si Tia Andaya, na magsisilbing setter kasama si Deanna Wong para sa Choco Mucho. Ayon kay Coach Dante Alinsunurin, “handa na siyang maglaro.”
Bago ang main game, magtutunggali rin ang ZUS Coffee Thunderbelles at Akari Chargers sa alas-4 ng hapon.
Bubuhatin ng ZUS Coffee ang 5’11” American spiker na si Anna DeBeer at babalik din mula national team duty si Thea Gagate.
Samantala, magbabalik-aksiyon para sa Akari ang beteranang import na si Annie Mitchem, kasama ang solidong lineup nina Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Fifi Sharma, at Ced Domingo.
Ang PVL Reinforced Conference ay inaasahang magiging matindi at puno ng aksyon, lalo na’t tampok dito ang debut ng isa sa mga pinakainabangang rookie sa women’s volleyball — si Bella Belen.
