Kumikinang hindi lang sa acting kundi pati sa alahas si Bea Alonzo matapos siyang ilunsad bilang opisyal na ambassador ng My Diamond sa isang event sa SM Aura.
Ibinahagi ng Kapuso star na espesyal sa kanya ang natural diamond tennis wristband na halos araw-araw niyang suot. Para kay Bea, ang tamang alahas ay kayang magpabongga ng look kahit simple lang ang outfit.
Kasabay ng kanyang pag-endorso, inilunsad din ng brand ang White Halo collection—isang linya ng mga singsing, kuwintas, hikaw at bracelet na mula sa ethical at reputable suppliers. Ayon sa kumpanya, layunin nitong pagsamahin ang kinang at makabuluhang pagpili sa modernong fine jewelry.
Huling napanood sa Widows’ War, sinabi ni Bea na bukas siya sa iba’t ibang estilo—ginto man, pilak, natural o lab-grown diamonds—basta swak sa kanyang personalidad sa kasalukuyan.
“May iba’t ibang era tayo. Ngayon, nasa sporty diamond era ako,” ani Bea.
Sa dami ng disenyo, aminado siyang nahuhumaling siya sa heart at oval shapes. Para sa aktres, hindi lang kinang ang mahalaga—kundi kung paano ka pinaparamdam ng suot mo.
