Pagkatapos ng kanyang biyahe mula US, agad na dinetene si Bauan, Batangas Mayor Ryanh Dolor sa House of Representatives dahil sa contempt.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas, hinuli si Dolor dahil sa paulit-ulit na pag-iwas sa imbestigasyon ng Kongreso tungkol sa privatization ng water supply system sa Bauan.
Noong Marso 17, idineklara siyang in contempt ng House committee on public accounts dahil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan at iba pang iregularidad sa lokal na pamahalaan.
Dinampot si Dolor paglapag niya sa NAIA Terminal 1 mula Los Angeles, California. Ang kanyang pag-aresto ay isinagawa sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Bureau of Immigration, at airport authorities.
Bago ito, tatlong beses siyang inanyayahan ng Kongreso, sinabihan ng show-cause order, at pinadalhan ng subpoena—ngunit patuloy niya itong binalewala.
Nagpasa ang kanyang opisina ng travel authority mula kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas, na nagsasabing nagpunta siya sa US para sa medikal na dahilan mula Marso 11 hanggang 26.
Pero hindi ito kinagat ng mga mambabatas. “Wala siyang medical records na magpapatunay sa dahilan ng kanyang pagliban sa hearing,” sabi ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores.
Mananatili si Dolor sa kustodiya ng Kongreso hanggang matapos ang mga pagdinig.
