Wala nang halong pagka-starstruck si Mario Barrios—handa na siyang harapin si Manny Pacquiao sa tinaguriang pinakamalaking laban ng kanyang buhay ngayong Hulyo 20 (PH time) sa MGM Grand, Las Vegas.
Ayon sa 30-anyos WBC welterweight champ, tapos na ang fase ng “idol feels.” Ngayon, focus na siya sa tanging layunin: ipagtanggol ang kanyang titulo at huwag patinag sa legendary status ng kalaban.
“Sa simula, napa-wow talaga ako. Pero ngayon, hindi ako nag-eensayo na parang legend ang kalaban ko. Isa lang siyang lalaking gusto kunin ang belt ko,” pahayag ni Barrios sa isang media workout sa Las Vegas.
At kung size at edad ang pag-uusapan, lamang sa papel si Barrios: 6-footer kontra sa 5’5” na si Pacquiao, 30 anyos kumpara sa 46, at active na boxer habang galing pa lang si Manny sa mahigit apat na taong pahinga mula sa huling laban nito noong 2021.
Kaya naman, si Barrios ang heavy favorite sa odds, kahit pa eight-division world champ si Pacman.
Gayunpaman, todo respeto pa rin si Barrios sa nagawa ni Pacquiao sa boxing at sa buhay—pero pagdating ng laban, ibang usapan na ‘yan.
“Ngayon, ngitian kami. Pero sa laban, wala nang respeto. Gusto niyang kunin ang belt ko, at gagawin ko ang lahat para ‘di mangyari ‘yon,” ani Barrios.