Tinatampok sa pelikulang P77 ng GMA Pictures at GMA Public Affairs ang isang emosyon na pamilyar sa lahat — ang takot. Sa pelikulang ito, binibigyang-buhay ni Barbie Forteza si Luna, isang chambermaid sa cruise ship na nangangarap ng mas magandang buhay para sa pamilya.
Ayon kay Barbie, naging mental challenge para sa kanya ang papel. “Iba ‘yung pag takot ang kailangan mong gawing totoo. Kasi sa totoong buhay, iniiwasan mong matakot,” ani niya. Pero sa P77, ilang eksenang may iba’t ibang anggulo at shots ang kailangan niyang ulitin nang may parehong tindi ng emosyon — nakakatakot, totoo, at konsistent.
Ginamit ni Barbie ang Meisner acting technique na natutunan niya sa panonood ng interviews ng mga aktor tulad nina Meryl Streep at Javier Bardem. Kahit wala siyang formal training, ginamit niya ang prinsipyo ng responding truthfully to a scene para mas maramdaman ang takot ni Luna. Maging ang amoy ay ginamit niyang instrumento — isang partikular na pabango ang naging “switch” niya papunta sa karakter.
Malalim din ang ginawang pag-aaral ni Barbie sa sosyal at psychological na pinanggalingan ni Luna, kabilang ang epekto ng PTSD. Kasama ang direktor na si Derick Cabrido, mas naintindihan niya kung paano magpakatotoo sa takot ng karakter.
Sa huli, taos-puso ang pasasalamat niya sa GMA sa patuloy na tiwala:
“Hindi ako pumasok sa showbiz para sumikat. Pumasok ako kasi gusto ko talagang umarte — at pinagbubutihan ko ‘yun.”