Bumoto ang Bangladesh sa kauna-unahang halalan matapos ang madugong pag-aalsa noong 2024 na nagpatalsik kay dating Punong Ministro Sheikh Hasina matapos ang 15 taong pamumuno.
Nangunguna sa mga kumakandidatong punong ministro si Tarique Rahman ng Bangladesh Nationalist Party (BNP), ngunit mahigpit ang laban kontra sa Jamaat-e-Islami na pinamumunuan ni Shafiqur Rahman. Kapag nagwagi, posible ang kauna-unahang Islamist-led government sa bansang may sekular na konstitusyon.
Pansamantalang pinamunuan ng Nobel laureate na si Muhammad Yunus ang bansa matapos mapatalsik si Hasina, na nahatulan ng kamatayan in absentia dahil sa umano’y krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng marahas na crackdown sa mga nagpoprotesta. Kasalukuyan siyang nasa India.
Bukod sa pagboto ng 300 mambabatas, isinasagawa rin ang isang referendum para sa malawakang reporma sa gobyerno, kabilang ang term limits ng punong ministro at pagpapalakas ng kapangyarihan ng pangulo at hudikatura.
Mahigit 300,000 security personnel ang ipinakalat para tiyakin ang maayos na halalan sa bansang may 170 milyong populasyon. Ayon sa mga analyst, mahalagang masiguro ang malinis at patas na botohan upang tuluyang makabangon ang Bangladesh at makapagsimula ng bagong yugto ng demokrasya.
