Lima katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi matapos mabagsakan ng nasunog na puno ng buri ang kanilang bahay sa Pitogo, Quezon sa kasagsagan ng Bagyong Ramil (Fengshen) kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima bilang mag-asawang Jean Andrea at Alvin Peña, parehong 35 anyos; ang kanilang mga anak na sina Nazareth (11) at Noeh (5 buwan); at ama ni Jean Andrea na si Alberto Bueno (66). Ayon sa Quezon Police, natutulog ang pamilya nang bumagsak ang puno sa kanilang bahay na gawa sa magagaan na materyales dakong alas-5:30 ng umaga. Lahat ay agad na nasawi.
Isang anak ng mag-asawa ang nakaligtas at ngayon ay nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan. Nagpaabot naman ng pakikiramay si Quezon Gov. Angelina Tan, na nangakong magbibigay ng tulong sa pamilya.
Ayon sa mga residente, dati nang may sunog sa puno ng buri, dahilan para humina ito bago tuluyang bumagsak dahil sa malakas na hangin dala ng bagyo.
Samantala, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na mahigit 30,000 katao sa 147 barangay ang naapektuhan ni Ramil, kung saan 22,000 ang inilikas bilang pag-iingat. Sa Western Visayas, nasa 7,553 residente naman ang napilitang lumikas.
Sa Bukidnon, patuloy pa rin ang search and rescue para sa mag-asawang Ely at Thelma Bumatay na nahulog sa bangin matapos gumuho ang kalsada sa Barangay Palacapao, bayan ng Manuel Quezon.
Habang lumalabas na si Ramil sa Philippine Area of Responsibility (PAR), iniulat ng Philippine Coast Guard na mahigit 6,000 pasahero ang na-stranded sa mga pantalan sa Bicol, Southern Tagalog, Eastern Visayas at Northern Luzon dahil sa masamang kondisyon ng dagat.
Umabot din sa 32 domestic flights ang nakansela, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Nagbigay na ng P720,925 halaga ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya, kabilang ang 382 food packs at 547 ready-to-eat meals. Tiniyak ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na may sapat na pondo at food packs ang ahensya para sa patuloy na relief operations.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nakaalerto na ang mga pulis sa mga rehiyon ng Northern at Central Luzon upang tumulong sa rescue at evacuation efforts.
Iniulat naman ng Department of Education (DepEd) na 375 silid-aralan ang nasira dahil sa pagbaha at malakas na ulan, kung saan 118 ang tuluyang nawasak at 257 ang may major at minor damage.
