Matinding ulan, hangin at malalakas na alon ang tumama sa timog Tsina matapos mag-landfall ang Bagyong Ragasa (Nando sa Pilipinas) sa Guangdong province nitong Miyerkules. Bago nito, nag-iwan ang bagyo ng 14 na patay at 46 sugatan sa Taiwan matapos bumigay ang isang lumang barrier lake sa Hualien.
Aabot sa 145 kph ang hangin ng bagyo na nagpabagsak ng mga puno, bakod, at mga karatula sa lungsod ng Yangjiang. Umabot din sa 2.2 milyon katao ang inilikas sa Guangdong, habang suspendido ang klase at trabaho sa hindi bababa sa 10 lungsod.
Sa Hong Kong, daan-daang puno ang bumagsak at ilang gusali ang nagkalamat dahil sa lakas ng hangin. Nasa 90 katao ang nasugatan, higit 860 ang nagtungo sa mga evacuation centers, at kanselado ang daan-daang flights. Sa Macau naman, pinutol ang kuryente sa ilang mabababang lugar dahil sa pagbaha.
Sa Taiwan, libo-libo ang napa-evacuate at maraming kalsada at sasakyan ang nalubog sa baha. Higit 100 katao ang unang naiulat na nawawala pero karamihan ay nakontak na ng mga awtoridad.
Bago tumama sa Tsina, nanalasa rin si Ragasa sa hilagang bahagi ng Pilipinas at ikinasawi ng hindi bababa sa walo, karamihan ay mga mangingisda.
Babala ng mga siyentipiko: patindi nang patindi ang mga bagyo dulot ng pag-init ng mundo sanhi ng climate change — at ang pinsalang iniwan ng Ragasa ay malinaw na paalala nito.
