Site icon PULSE PH

Bagyong Opong, Nakapasok na Bilang Tropical Storm!

Pumasok na sa bansa bilang tropical storm ang bagyong Opong (international name: Bualoi) nitong Miyerkoles ng umaga, Setyembre 24, ayon sa PAGASA.

Huling namataan ang sentro nito sa layong 855 km silangan ng Northeastern Mindanao, taglay ang lakas ng hangin na 65 kph at bugso na hanggang 80 kph, habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 20 kph.

Bagamat wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal ngayong umaga, inaasahang itataas ang Signal No. 1 mamayang araw sa Northeastern Mindanao, Eastern Visayas at Bicol Region. Posible ring umabot sa Signal No. 3 habang lumalakas ang bagyo.

Simula Huwebes, Setyembre 25, asahan ang malalakas na ulan at posibleng storm surge sa mabababang baybayin ng Southern Luzon at Eastern Visayas. Maari ring magkaroon ng katamtaman hanggang maalon na dagat sa Southern Luzon, Eastern Visayas at Northeastern Mindanao.

Dagdag pa rito, palalakasin ng bagyo ang habagat, na magdadala ng malalakas na hangin sa malaking bahagi ng Luzon, Western Visayas, Surigao del Norte at Dinagat Islands.

Kung hindi lilihis, inaasahang tatama ang bagyo sa Bicol Region sa Biyernes, Setyembre 26, tatawid sa Southern Luzon, at posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.

Exit mobile version