Nag-level up na bilang severe tropical storm ang bagyong “Opong” (Bualoi) habang papalapit sa Eastern Visayas at Bicol Region, ayon sa PAGASA nitong Huwebes, Setyembre 25.
Alas-4 ng madaling-araw, namataan ang sentro ng bagyo 440 km silangan ng Guiuan, Eastern Samar. Taglay nito ang hangin na 110 kph malapit sa gitna at bugso hanggang 135 kph, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.
Mga lugar sa Signal No. 2: Catanduanes, Southern Albay, Sorsogon, Northern Samar, malaking bahagi ng Eastern Samar, at gitna hanggang hilagang Samar.
Signal No. 1: Mas malaking bahagi ng Bicol, Metro Manila, Calabarzon, ilang probinsya sa Mindoro, Marinduque, Romblon, Quezon, pati ilang bahagi ng Visayas at Mindanao gaya ng Northern Cebu, Iloilo, Aklan, Antique, at Dinagat Islands.
Banta ng malakas na ulan at storm surge
Asahan ang malalakas na pag-ulan sa Bicol at Eastern Visayas habang papalapit si Opong. Posible rin ang storm surge na 1 hanggang 3 metro sa mga baybayin ng Aurora, Zambales, Bataan, Metro Manila, CALABARZON, Bicol, Samar at iba pa sa susunod na 48 oras.
Delikado rin ang dagat sa mga baybaying silangan ng Catanduanes, Northern Samar, Albay at Sorsogon, na maaaring umabot hanggang 6 metro ang alon. Mahigpit na ipinagbawal ng PAGASA ang pangingisda at paglalayag ng maliliit na bangka.
Landfall at forecast track
Inaasahang tatama sa Bicol Region si Opong sa Biyernes ng hapon o gabi, Setyembre 26, tatawid ng Southern Luzon sa Sabado, at posibleng muling lumakas matapos lumabas sa West Philippine Sea.
Ayon sa PAGASA, may posibilidad pang itaas sa Signal No. 4 ang ilang lugar kung lalakas pa bago ang landfall.
