Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Marce (international name Yinxing) ngayong Lunes ng umaga, Nobyembre 4.
Ayon sa PAGASA, nasa layong 935 kilometro silangan ng Eastern Visayas si Marce, taglay ang lakas ng hangin na 65 kph at bugso na umaabot sa 80 kph. Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahan na lalakas pa si Marce at posibleng umabot sa severe tropical storm category bukas ng umaga o hapon, Nobyembre 5, at maging ganap na typhoon pagsapit ng Martes ng gabi o Miyerkules ng madaling araw, Nobyembre 6. May posibilidad din ng mabilisang paglakas, ayon sa PAGASA.
Bagaman wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal, posibleng itaas ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan bukas, Nobyembre 5. Ang pinakamataas na Signal na posibleng maranasan habang nandito si Marce ay Signal No. 4.
Maaari ring magdala ng malalakas na pag-ulan si Marce sa Extreme Northern Luzon at silangang bahagi ng Luzon simula bukas. Inaasahan din ang malalakas na hangin sa Batanes, Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, Aurora, at hilagang bahagi ng Quezon.
Makakaranas ng maalon na karagatan ang mga baybayin ng Batanes at Ilocos Norte, kaya pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag muna pumalaot sa mga apektadong lugar.