Nabuo ang tropical depression (TD) Dante sa silangan ng Aurora nitong Martes ng hapon. Taglay nito ang hangin na 45 kph malapit sa gitna at bugso na hanggang 55 kph. Huling namataan si Dante 1,115 km silangan-hilagang silangan ng Central Luzon, kumikilos pa-hilaga sa bilis na 20 kph.
Wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal, ngunit pinalalakas ni Dante ang habagat na magdadala ng malalakas na hangin at pag-ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Calabarzon, Mimaropa, Visayas, at Dinagat Islands.
Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ng flash flood at landslide ang inaasahang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas. Pinapayuhan ang mga residente, lalo na sa mabababang lugar at tabing-dagat, na maging alerto at makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad.
Posible umanong maging tropical storm si Dante pagsapit ng Miyerkules, at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes o Biyernes.