Isang bagong yugto para sa DC Universe ang hatid ng pinakabagong pelikula na Superman, na idinirehe ni James Gunn at pinagbibidahan nina David Corenswet bilang Clark Kent/Superman, Rachel Brosnahan bilang Lois Lane, at Nicholas Hoult bilang Lex Luthor.
Pinagsama ng pelikula ang humor at mga temang pag-asa, pag-ibig, at pamilya habang mas malalim na sinisilip ang kahinaan at mas makataong aspeto ni Superman sa gitna ng mga plano ni Lex. Sa huli, nanaig si Superman sa tulong nina Lois, ang kanyang superpowered na asong si Krypto, at ilan pang superhero na kaalyado niya.
Sa press conference sa Maynila, ikinuwento ni David Corenswet kung paano ang kanyang pisikal na paghahanda para sa iconic na papel ay nagturo sa kanya ng damdamin ng pagiging mag-isa — isang karanasang malapit sa karakter ni Superman.
“Kapag naroon ka sa gym, matapos ang halos dalawang oras ng workout, ramdam mong ikaw lang mag-isa laban sa weights,” ani Corenswet. “Doon ko unang naramdaman ang core identity ni Superman — ang kanyang pakikipaglaban sa pakiramdam ng kalungkutan at pagiging hiwalay sa mundo.”
Para kay Corenswet, ang pelikula ay hindi lamang tungkol sa isang malakas na bayani kundi sa isang tao na nagnanais ng koneksyon sa kabila ng kanyang kapangyarihan.