Opisyal nang ipinakilala ang bagong P-pop girl group na FINA na kumukuha ng inspirasyon mula sa mitolohiyang Pilipino tulad ng aswang, engkanto, sirena at diwata upang ipakita ang modernong Filipina sa kanilang musika at performances.
Sa kanilang media launch sa Noctos Music Bar sa Quezon City, lumabas ang bawat miyembro na naka-costume ng mga nilalang na kanilang kinakatawan: si Anika bilang aswang, si Nala bilang lobo, si Chill bilang engkanto, si Cia bilang sirena, at si Heaven bilang diwata.
Makikita rin ang konseptong ito sa kanilang debut single na “Paramdam,” na inilabas sa ilalim ng CreaZion Studios, Universal Records Philippines at GLXY Talent Management. Ayon kay Chill, layunin nilang pagsamahin ang modernong imahe ng Filipina at ang mayamang kasaysayan ng lokal na folklore bilang pagbibigay-pugay sa kulturang Pilipino.
Bago mag-debut, dumaan ang grupo sa tatlong taong matinding training. Wala rin silang nakatalagang lider o specific roles upang mas maging collaborative ang kanilang paggawa ng musika. Ang kanilang fandom ay tinatawag na “Finest.”
Binubuo ang FINA nina Anika mula Cavite, Nala na may Chinese descent ngunit lumaki sa Pilipinas, Chill mula Cagayan de Oro, Cia mula Cabanatuan City, at Heaven mula Quezon City.
Ayon sa grupo, ang kanilang pagiging totoo sa sarili at pagkakaiba-iba bilang mga indibidwal ang kanilang lakas. Umaasa rin silang makatrabaho sa hinaharap sina Sarah Geronimo, KZ Tandingan, Arthur Nery, Parokya ni Edgar at juan karlos.
