Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakatuklas ng bagong natural gas sa Malampaya East-1 (MAE-1) well, ang kauna-unahang malaking gas find sa loob ng mahigit isang dekada. Matatagpuan ito limang kilometro silangan ng kasalukuyang Malampaya gas field at inaasahang magpapalakas sa suplay ng kuryente ng bansa habang binabawasan ang pag-asa sa inaangkat na fuel.
Ayon sa Pangulo, may tinatayang 98 bilyong cubic feet ng gas ang bagong reservoir—katumbas ng halos 14 bilyong kilowatt-hours ng kuryente kada taon. Maaari itong magsuplay ng kuryente sa mahigit 5.7 milyong kabahayan sa loob ng isang taon. Sa paunang pagsusuri, umabot sa 60 milyong cubic feet kada araw ang daloy ng gas, patunay ng mataas na potensyal nito na kahalintulad ng orihinal na Malampaya wells.
Bukod sa natural gas, may kasama rin itong condensate, isang mahalagang likidong fuel na makatutulong sa pagpapatatag ng suplay ng kuryente. Ang proyekto ay isinasagawa ng Service Contract 38 Consortium na pinamumunuan ng Prime Energy, katuwang ang PNOC Exploration Corp. at iba pang partners.
Ang MAE-1 ang unang milestone sa $893-milyong Malampaya Phase 4 drilling program, na layong palawakin pa ang lokal na reserba ng gas. Ayon sa Prime Energy, nadaragdagan ng humigit-kumulang 30 porsiyento ang natitirang recoverable gas ng Malampaya dahil sa bagong tuklas.
Para kay Energy Secretary Sharon Garin, pinatutunayan ng proyektong ito ang world-class na kakayahan ng mga Pilipinong inhinyero at ang kahalagahan ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak ang mas maaasahang enerhiya para sa bawat Pilipino.
