PULSE PH

Bagong Kaso Laban kay Remulla, Kaugnay sa Pagkakaaresto ni Alice Guo!

Nahaharap si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa panibagong reklamo ng arbitrary detention at graft matapos ang umano’y ilegal na pag-aresto kina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at negosyanteng Cassandra Ong na iniugnay sa ilegal na POGO operations sa Tarlac at Pampanga.

Inihain ni Atty. Ferdinand Topacio ang reklamo nitong Setyembre 15 sa Office of the Ombudsman, laban kay Remulla at NBI Director Jaime Santiago. Giit niya, inaresto at idinetine sina Guo at Ong nang walang warrant at malinaw na batayan, taliwas sa batas. Ayon pa kay Topacio, mismong si Santiago ang nagsabing ginawa nila ito dahil iniutos umano ni Remulla.

Bukod sa arbitrary detention, kinasuhan din sila ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa “undue injury” na idinulot umano sa dalawang naaresto.

Ito na ang ikalawang kaso laban kay Remulla sa parehong araw, kasunod ng hiwalay na reklamong kidnapping at detention na inihain ni Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte kaugnay ng ICC arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinawag naman ni Remulla ang mga reklamo bilang bahagi ng isang “organized effort” para harangin ang kanyang kandidatura bilang Ombudsman.

Exit mobile version