Isang mambabatas ang nagsumite ng panukalang batas na nag-uutos sa mga public utility companies na “ibalik at ayusin” ang mga kalsada sa orihinal na kalagayan sa loob ng 24 oras matapos ang kanilang maintenance o upgrade, upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
“Ang hindi maiiwasang paghuhukay ng mga kalsada at bangketa ay dapat lamang maging pansamantalang abala sa mga motorista at pedestrian,” sabi ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto Sr. sa kanyang House Bill No. 10538 o ang iminungkahing Road Restoration Act of 2024.
Ayon kay Pleyto, habang may mga manholes para ma-access ang mga underground public utilities tulad ng suplay ng tubig at sewerage systems, hindi ito laging sapat kaya’t hindi maiiwasan ang paghuhukay sa kalsada.
Ngunit ang mga kalsadang hindi naibabalik sa orihinal na kondisyon “ay nagdudulot ng malaking panganib at maaaring makaapekto sa lahat mula sa pedestrian, bikers, motorcyclists at motorista sa pangkalahatan,” sabi niya.
Sa ilalim ng HB 10538, na binibigyang-diin ang responsibilidad ng Estado na “magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang mga aksidente sa kalsada na dulot ng mga sira-sirang kalsada,” ang mga public utility companies ay kinakailangang ibalik at ayusin ang mga kalsada, bangketa, o pathway na hinukay nila sa loob ng 24 oras matapos ang kanilang trabaho.
Kasama sa iminungkahing batas ang lahat ng water at sewerage firms na nakikibahagi sa konstruksyon at maintenance ng water supply at sewer pipes sa buong bansa.
Ang panukala ay nag-aatas din sa kalihim ng public works na makipag-ugnayan sa kalihim ng interior sa pagbuo ng mga implementing guidelines bagamat hindi nito tinukoy ang mga parusa para sa mga lumalabag.