Inilunsad ni Mayor Joy Belmonte ang bagong apat na palapag na Reception and Action Center sa ilalim ng Social Services Development Department (SSDD) ng Quezon City, na layong magbigay ng agarang tulong at pansamantalang tirahan sa mga pamilyang biktima ng pang-aabuso, kapabayaan, o pagkawala ng tirahan, pati na rin sa mga indigent na residente.
Ang pasilidad ay magsisilbing pansamantalang tirahan na may komprehensibong serbisyo para sa mga nangangailangan. Kabilang sa mga pasilidad nito ang pre-medical check-up area, isolation room, treatment at medical service rooms, at mga family at multi-purpose areas upang masiguro ang holistic na pangangalaga sa mga kliyente.
Binigyang-diin ni Mayor Belmonte na ang sentro ay bahagi ng pagpapalakas ng social welfare programs ng lungsod, na nagbibigay ng ligtas, madaling ma-access, at napapanahong tulong sa mga vulnerable na residente. Sa pagdalo ng Chief of Staff Rowena Macatao, District 2 Action Officer Atty. Bong Teodoro, at mga opisyal ng Barangay Payatas, tinanggap ang pasilidad bilang mahalagang hakbang sa pagpapabuti ng kapasidad ng lungsod na tugunan ang pangangailangan sa sosyal na serbisyo.
