Muling binuksan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga inayos na bahagi ng EDSA busway, mula Roxas Boulevard sa Pasay hanggang Orense sa Makati, matapos ang isinagawang rehabilitasyon.
Bago ito buksan sa publiko, personal na ininspeksyon ng mga opisyal ng DPWH, Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kumpuning busway lane, pati na ang asphalt overlay at concrete reblocking sa iba pang bahagi ng EDSA.
Pinangunahan ang inspeksyon nina DPWH-NCR Director Joel Limpengco at MMDA General Manager Nicolas Torre III, na tiniyak ang kalidad at kaligtasan ng mga ginawang pagkukumpuni.
Samantala, inanunsyo rin ng DPWH na simula ngayong araw, ang mga susunod pang road repair works sa EDSA ay isasagawa na lamang mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw upang maiwasan ang matinding abala sa mga motorista at commuter sa oras ng rush hour.
Inaasahang magdudulot ng mas maayos at ligtas na biyahe ang muling pagbubukas ng EDSA busway, lalo na para sa libo-libong pasaherong umaasa sa EDSA Bus Carousel araw-araw.
