Kinumpirma ng broadcast journalist na si Atom Araullo ang matagal nang umiiral na balita tungkol sa kaniyang long-term girlfriend, at inamin na napag-uusapan na nila ang tungkol sa kasal.
Sa panayam ni Boy Abunda na ipinalabas noong Nobyembre 28, diretsahang tinanong si Atom kung may karelasyon siya. “Matagal na… We don’t even count. It’s been a while,” sagot niya, kasabay ng pagbanggit na ang kanyang girlfriend ay “public” at nakikita naman sila ng netizens sa labas—bagama’t tumanggi siyang pangalanan ito.
Sa Fast Talk segment ng programa, inamin ni Atom na taken siya, na umibig siya sa isang co-worker, at handa na siyang mag-settle down. Hindi man sila nagmamadali, malinaw na napag-uusapan na nila ang posibilidad ng pag-aasawa.
Matagal nang pinag-uusapan ang umano’y relasyon ni Atom at kapwa journalist na Zen Hernandez, lalo na noong mag-post si Atom ng larawan nila para sa 41st birthday ng dalaga noong 2022. Bagama’t hindi pa rin nila tahasang kinukumpirma ang mga pangalan, lumalakas ang haka-haka sa kanilang dalawa.
