Mga boluntaryo, kasama ang mga sikat na K-pop artists, sumakay sa barko sa Manila nitong Sabado ng gabi para sa ikatlong misyon ng civil society group na Atin Ito sa West Philippine Sea (WPS).
Mula Mayo 26 hanggang 30, tampok sa misyon ang unang Sea Concert for Peace and Solidarity bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa kapayapaan, kasunod ng mga naunang misyon noong Disyembre 2023 at Mayo 2024.
Kabilang sa mga artistang sasama ang dalawang K-pop groups: ang all-girl group na I:Mond at ang all-male group na HORI7ON, na parehong nagpahayag ng suporta at paghahangad ng pagkakaisa sa pamamagitan ng kanilang musika.
Kasama rin sa misyon ang mga international artists mula Japan, Indonesia, at Malaysia, pati na rin ang mga lokal na musikero tulad nina Noel Cabangon, Ebe Dancel, ang all-women rock band na Rouge, at ang rap collective na Morobeats.
Aabot ang barko Kapitan Felix Oca sa El Nido, Palawan, kung saan gagawin ang pre-departure concert bago tumungo sa Pag-asa Island sa Mayo 27 para sa makasaysayang sea concert.
Bukod sa musika, magdadala rin ng mga tulong para sa mga mangingisdang Pilipino sa paligid ng Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group ang Atin Ito bilang bahagi ng kanilang suporta sa komunidad doon.