Matapos ang ilang buwang gamutan, masayang ibinahagi ng komedyanteng si Gil Morales, o mas kilala bilang Ate Gay, na natapos na niya ang kanyang chemotherapy sessions. Sa isang larawan na ipinost mula sa ospital, ibinahagi niyang muli na ang kanyang panlasa at gana sa pagkain ay bumalik na.
“Yeheyy! Nalagpasan ko ang pagduduwal at walang panlasa… nakakakain na ulit ng bongga, graduate na ako sa chemo!”
Ayon kay Ate Gay, 15 araw na lang ang natitirang radiation sessions bago simulan ang kanyang 12 immunotherapy treatments na gagawin tuwing 21 araw. Taos-puso rin siyang nagpasalamat sa lahat ng nagdasal at sumuporta sa kanya sa gitna ng laban sa sakit. Aniya, “Salamat po sa inyong mga dasal, lumalaban ako.” Noong Oktubre, ibinahagi rin niyang lumiit ang kanyang tumor mula 10 sentimetro tungo sa 8.5 matapos lamang ang tatlong araw ng gamutan.
Patuloy namang nagpapasalamat si Ate Gay sa mga tumulong at nag-alaga sa kanya mula nang siya ay ma-diagnose ng Stage IV mucoepidermoid squamous cell carcinoma. “Ang swerte ko sa mga anghel ko, madami nag-aalaga sa akin,” wika niya. Binanggit din niyang hindi man niya kayang sagutin lahat ng mensahe, taos-puso siyang nagpapasalamat sa walang sawang panalangin at suporta ng kanyang mga tagahanga at kaibigan.
