Nagpahayag ng pangamba ang Aston Martin na maaaring hindi matapos ng kanilang mga driver ang buong karera sa nalalapit na Australian Grand Prix dahil sa matinding vibration na nararanasan sa kanilang Formula 1 car.
Ayon kay team principal Adrian Newey, ang malakas na panginginig mula sa makina na umaabot hanggang sa steering wheel ay maaaring magdulot ng permanenteng nerve damage sa mga kamay ng drivers na sina Fernando Alonso at Lance Stroll.
Sinabi ni Alonso na posibleng hanggang 25 laps lamang ang kaya niyang takbuhin nang tuloy-tuloy, habang si Stroll ay hanggang 15 laps lamang dahil sa epekto ng vibration. Ang karera sa Australia ay may kabuuang 58 laps.
Bukod sa panganib sa kalusugan ng mga driver, nagdudulot din umano ng problema sa mga bahagi ng sasakyan ang vibration, tulad ng pagkakalas ng ilang components.
Patuloy na nagtutulungan ang Aston Martin at engine supplier na Honda upang maresolba ang problema, ngunit wala pang malinaw na timeline kung kailan ito maaayos. Dahil dito, posibleng maapektuhan din ang kanilang performance sa mga susunod pang karera sa season.
