Sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na posibleng makakuha ang mga bansa sa Asya ng mas mababang taripa kumpara sa ibang bahagi ng mundo, habang nagpapatuloy ang mga pag-uusap sa ASEAN ukol sa trade war ng Washington.
Sa kanyang pagbisita sa Malaysia, inihayag ni Rubio na “kapag natapos ang lahat, maraming bansa sa Southeast Asia ang magkakaroon ng mga rate ng taripa na mas maganda kaysa sa mga bansa sa iba pang rehiyon.”
Nagbabala si US President Donald Trump nitong linggo na magpapatupad siya ng mas mabibigat na taripa sa mahigit 20 bansa kung hindi sila makikipagkasundo sa Amerika bago ang Agosto 1.
Kabilang sa mga maaaring tamaan ng taripa ang Japan at South Korea na parehas haharap sa 25% na buwis. Ang mga bansang Indonesia, Thailand, Malaysia, Pilipinas, Brunei, at Myanmar ay nahaharap sa 20% hanggang 40% na duties.
Samantala, ang Vietnam at Britain lamang ang nakapagtala ng pansamantalang kasunduan sa US, bagamat nananatili pa ring mataas ang mga ipinapataw na taripa.