Handa na si Ashtine Olviga na sumabak sa mas malaking entablado sa kanyang MMFF debut ngayong 2025 sa pelikulang “Manila’s Finest,” na idinirek ni Raymond Red at pinagbibidahan ni Piolo Pascual.
Gagampanan ni Ashtine ang papel ni Agnes, anak ng beteranong pulis na si Lt. Homer Magtibay (Piolo Pascual). Ang pelikula, na itinakda sa taong 1969, ay umiikot sa mga pulis ng Maynila na pilit pinapanatili ang kanilang katapatan at dangal sa gitna ng lumalalang kontrol ng estado.
Aminado ang aktres na kinakabahan sa unang araw ng shooting kasama si Piolo, ngunit labis ang kanyang pasasalamat sa pagkakataong makatrabaho ang mga batikang artista.
“Kinabahan ako kung kaya ko bang ibigay yung emosyon, pero lahat sila mababait at tinulungan ako,” sabi ni Ashtine.
Bukod kay Piolo, tampok din sa pelikula sina Enrique Gil, Kiko Estrada, Romnick Sarmenta, Joey Marquez, Jasmine Curtis-Smith, at Rica Peralejo-Bonifacio, kabilang sa powerhouse ensemble cast.
Para kay Ashtine, higit sa tropeo, karanasan at pagkatuto ang pinahahalagahan niya sa proyekto.
“Ang goal ko talaga ay mag-enjoy at matuto. Kung may award man, bonus na lang yun,” aniya.
Suportado rin siya ng kanyang onscreen partner na si Andres Muhlach, na masayang-masaya sa bagong milestone ng aktres.
“We celebrate each other’s wins. Lahat kami galing sa zero, kaya bawat tagumpay, sabay naming ipinagdiriwang,” dagdag ni Ashtine.
Sa ngayon, umaasa si Ashtine na magiging makahulugan at memorable ang kanyang unang MMFF experience—at baka sa susunod, kasama na rin si Andres sa big screen.