Pinagbabaril at napatay ang dating mayor ng Lumbaca-Unayan, Abdulazis Tadua Aloyodan, sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Oriental Beta, Miyerkules ng umaga.
Sakay ng pick-up truck, walang awang pinaputukan ng hindi pa kilalang mga salarin si Aloyodan bandang 7 a.m. Agad siyang isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Mariing kinondena ni Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr. ang pamamaslang at nanawagan ng agarang imbestigasyon. Ayon naman kay Bangsamoro police director Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, inaalam pa kung may kaugnayan sa politika ang krimen habang patuloy na tinutugis ang mga salarin.