Mas lalo pang pinalakas ng Strong Group Athletics (SGA) ang kanilang roster matapos kunin ang beteranang spiker na si Ara Galang bilang paghahanda sa nalalapit na PVL All-Filipino Conference.
Pinuri ng koponan si Galang bilang isang all-around player na kalmado sa ilalim ng pressure at may winning mindset—mga katangiang inaasahang magdadala ng dagdag na lakas at liderato sa SGA. Bilang 2025 Invitational Best Opposite Spiker, inaasahang magiging malaking sandata si Galang sa opensa ng koponan.
Makakasama ni Galang sa SGA ang dati niyang kakampi sa Chery Tiggo at dating league MVP na si Mylene Paat, pati sina Imee Hernandez, Remy Palma, Chie Saet, Bia General, at Royse Tubino.
Sa patuloy na pagkuha ng mga bigating manlalaro, malinaw na seryoso ang SGA sa hangaring maging isa sa mga pangunahing puwersa sa paparating na PVL season.
