Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na nasa Pilipinas pa rin ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon kay acting Justice Secretary Fredderick Vida, batay sa intelligence reports at travel records, may indikasyong hindi pa umaalis ng bansa si Ang. May inilabas nang warrant of arrest laban sa kanya ang mga korte sa Sta. Cruz, Laguna at Lipa, Batangas.
Gayunman, hindi inaalis ng DOJ ang posibilidad na nakalabas siya sa bansa sa pamamagitan ng hindi opisyal na paraan. Sinabi ni Vida na kung may sapat na resources, posible itong magawa.
Tiniyak ng DOJ na patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa at diplomatic community, upang matunton at maaresto si Ang.
