Inihayag ng opisyal ng Philippine Navy na umabot na sa 3,000 hektarya ang reclamation activities ng Beijing sa South China Sea (SCS), kabilang na ang ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS). Tinawag ito na “creeping invasion.”
Ayon kay Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy, “Ang kabuuang reclaimed area sa loob at labas ng ating exclusive economic zone (EEZ) ay humigit-kumulang 3,000 hektarya.”
“May creeping invasion ba? Oo, at nagsimula ito noong 1992 nang mapansin natin ang mga Chinese markers sa West Philippine Sea at South China Sea,” dagdag ni Trinidad.
Ayon sa ulat ng Pentagon noong 2016, mahigit 3,200 acres (mga 1,300 hektarya) na lupa ang nareclaim ng China sa southeastern part ng South China Sea.
Sabi ni Trinidad, ang mga pangunahing base ng Beijing sa mahalagang daanang-tubig tulad ng Subi (Zamora), Mischief (Panganiban), at Johnson Reefs ay “militarized” na.
“May mga airstrips, daungan para sa warships, at mga estrukturang tila aircraft hangars. May military-grade communications equipment din,” aniya. Sa Subi, may mabibigat na kagamitan at patuloy ang pagtatayo ng mga estruktura.
Ang Mischief at Johnson Reefs ay nasa loob ng 370-kilometer EEZ ng bansa.
Sinabi ni Jay Batongbacal, eksperto sa maritime law at propesor sa University of the Philippines, na ang Mischief Reef ang “pinakamalaking artificial island” sa South China Sea na may port facilities para sa People’s Liberation Army’s Navy, China Coast Guard, at China maritime militia fleets.
“Ang reef ay armado ng anti-air at antiship missiles, radars, jammers at ito ang pinakamalapit na Chinese military base sa Pilipinas,” sabi ni Batongbacal.
Patuloy pa rin ang militarization at reclamation activities ng Beijing sa South China Sea sa kabila ng 2016 arbitral ruling na nag-iinvalidate sa malawakang claims nito sa strategic waterway.