Hindi napigilan ni Andi Manzano ang maging emosyonal nang mabalitaan ang pag-shutdown ng ilang MTV channels matapos ang mahigit apat na dekada.
Sa isang Instagram post, inalala ni Andi ang mga panahong naging MTV video jockey (VJ) siya—isang karanasang tinawag niyang “malaking parte ng buhay ko.”
Naikwento ng dating VJ na kabado siya noong sumali sa MTV VJ Hunt noong 2007, kung saan siya napili kasama si Kat Alano. “’Yung first day ko hosting the Top 10 countdown, nanginginig ako sa kaba. Fifteen pages ‘yung kailangan naming i-memorize at i-adlib, inabot ako ng dalawang oras matapos,” ani Andi.
Dagdag pa niya, sa MTV niya natutunan ang maraming bagay at naranasan ang mga hindi niya inakalang mararanasan — tulad ng pagho-host sa malalaking crowd, pagkilala sa iba’t ibang artists, at pagiging bahagi ng kulturang humubog sa isang henerasyon. “Pero higit sa lahat, hindi ko makakalimutan ang mga taong nakasama ko sa likod ng camera,” ani Andi.
Nagkomento rin si Anne Curtis, na minsang naging MTV host, at sinabing, “We were babies. I remember being so nervous and excited about being an MTV VJ.”
Kabilang sa iba pang kilalang MTV VJs sa Pilipinas sina Donita Rose, G Töengi, Cindy Kurleto, Belinda Panelo, at Marc Abaya.
Ayon sa ulat ng BBC, isasara ng MTV ang limang channels—MTV Music, MTV 80s, MTV 90s, Club MTV, at MTV Live—sa pagtatapos ng taon. Mananatiling bukas ang MTV HD, ngunit magpo-focus na ito sa mga reality shows.
Ang hakbang na ito ay bunga ng pagbabago sa viewing habits ng mga manonood, na ngayon ay mas madalas nang nanonood ng content sa streaming platforms at social media kaysa sa tradisyunal na TV.
Sa Pilipinas, tuluyan nang nagpaalam ang MTV noong Disyembre 2018 matapos ang ilang tangkang pagbabalik.