PULSE PH

Ama ng US School Shooter, Hinarap ang Paglilitis sa Kasong Pagpatay

Nagsimula na ang paglilitis laban kay Colin Gray, ang ama ng teenager na responsable sa pamamaril sa Apalachee High School noong Setyembre 4, 2024.

Nahaharap si Gray sa kasong involuntary manslaughter, second-degree murder at iba pang paglabag matapos akusahan ng mga prosecutor na binilhan niya ng AR-15-style rifle ang anak na si Colt bilang regalo noong Pasko 2023, sa kabila ng mga babala na nagbanta na ito ng school shooting online.

Sa insidente, dalawang 14-anyos na estudyante at dalawang guro ang nasawi, habang siyam ang sugatan. Si Colt Gray, na 14 taong gulang noon at ngayo’y 16, ay kinasuhan bilang adulto at naghihintay ng sariling paglilitis.

Ayon sa prosekusyon, nabigong pigilan ng ama ang pag-access ng anak sa baril kahit may mga babala mula sa awtoridad. Iginiit naman ng depensa na hindi alam ni Colin ang plano ng anak at humingi pa umano ito ng tulong para sa mental health ng bata.

Isa ito sa mga pambihirang kaso sa Estados Unidos kung saan ang magulang ay nahaharap sa kasong murder dahil sa krimeng ginawa ng sariling anak. Kamakailan, nahatulan din ng manslaughter ang mga magulang ng isa pang school shooter sa Michigan noong 2021.

Patuloy ang mainit na debate sa US hinggil sa gun control, lalo na’t madalas ang insidente ng mass shootings at nananatiling maluwag ang regulasyon sa pagbili ng baril.

Exit mobile version