Ipinagtanggol ng dating aktor na si Alvin Aragon ang kanyang asawang si Izzy Trazona laban sa mga batikos kaugnay ng umano’y hindi pagtanggap nito sa kanilang anak na si Sofia, na isa nang transwoman.
Sa panayam sa DWAR, sinabi ni Aragon na maraming bumabatikos kay Izzy dahil sa paninindigan nito tungkol sa homosexuality. Iginiit niya na ang kanilang pananaw ay nakabatay sa mga aral ng Bibliya, kabilang ang kuwento ng Sodom at Gomorrah, at naniniwala siyang tungkulin ng magulang na ituro sa anak ang sa tingin nila ay tama ayon sa kanilang pananampalataya.
Samantala, sa social media platform na X, ibinahagi ni Sofia na hindi na sila nagkikita ng kanyang ina at aminado siyang may takot siya sa posibleng maging reaksyon nito sa kanyang pagharap bilang isang transwoman. Aniya, ang nais lamang niya ay pagtanggap at validation.
Sa kabila ng isyu, nagkaroon pa rin umano ng komunikasyon ang mag-ina nang batiin ni Sofia si Izzy sa muling pag-akyat nito sa entablado kasama ang SexBomb Girls sa kanilang reunion show sa Mall of Asia Arena noong Pebrero 7.
Patuloy ang usapin sa social media hinggil sa pananampalataya, pagtanggap, at ugnayan ng pamilya.
