Site icon PULSE PH

Alexa Miro, Sanay na sa Intriga! Bukas sa Mas Matitinding Hamon sa Showbiz!

Nakipagkulitan at seryosong usapan si Alexa Miro sa aking show na The Interviewer sa YouTube. Ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa paggawa ng pelikulang Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital, isang meta found footage horror film na walang script—basta explore lang sila sa pinakanakatatakot na ospital sa Taiwan.

Pero hindi lang pelikula ang nakuha ni Alexa—may kasama pang paranormal experience! Sa unang araw ng shoot, naramdaman niyang may espiritung gumapang sa kanyang braso, likod, at leeg. “Parang sumakay siya sa akin,” aniya. Muntik na siyang tuluyang lamunin ng takot, pero dasal ng kanyang mga kasama ang naging panangga niya.

Pagdating naman sa kanyang showbiz career, pangarap ni Alexa na sumabak sa action, suspense, at psychological thrillers. “Gusto ko maging household name at kilalanin sa galing ko sa pag-arte, gaya ni Meryl Streep,” dagdag niya. Iniidolo rin niya si Angel Locsin, hindi lang bilang aktres kundi bilang matapang na advocate.

Sa mundo ng showbiz, gusto niya ang pagiging iba’t ibang karakter sa bawat proyekto. Pero aminado siyang mahirap din ang magtiwala. Sinabi ko sa kanya na marami ring artista ang nakakahanap ng tunay na kaibigan sa industriya.

Pagdating sa kontrobersiya, tila sanay na si Alexa. Inamin niyang ang pinaka-maingay na issue sa kanya ay ang pagkakaugnay kay Rep. Sandro Marcos. “Hindi talaga siya nanligaw sa akin,” aniya, pero nang tanungin ko kung nagpaparamdam ba si Sandro, napatawa siya nang makahulugan.

Nakausap na rin ni Alexa ang First Couple sa isang party sa Bahay Pangulo. Kaya naman nang tanungin ko kung handa siyang maging asawa ng isang politiko, sagot niya: “Why not, Tito Boy? Mahilig din akong tumulong sa tao, at kung mabibigyan ako ng pagkakataon, gusto ko talagang gawin ‘yon.”

Exit mobile version